Ang City of San Fernando Water District (CSFWD) ay may roon na namang bagong handog sa mamamayan ng City of San Fernando nang ilunsad nito ang kanyang kauna-unahang water truck na may layuning makapaghatid ng malinis at ligtas na tubig sa mga panahon ng emergency at iba’t ibang kalamidad.

Ang bagong water truck ay binless noong Pebrero 12, 2015, sa City Hall, sa pangunguna ni Mayor Edwin “EDSA” Santiago, CSFWD General Manager Jorge Gumba at iba pang opisyal ng water district.

Ayon kay GM Gumba, ito ay binili para marasyunan ng tubig ang halos 40, 000 concessionaires sa panahon ng kalamidad o kung sakaling magka problema ang 33 pump stations ng water district sa pag-susupply ng tubig. Dagdag pa nito, magagamit ang water truck para sa mga komunidad na hindi naabutan ng serbisyo na nangangailangan rin ng malinis na tubig.

Ang naturang six-wheeler stainless water tanker na may capacity na 3,400 liters ay nagkakahalaga ng 1.9 million pesos. Ito ay gagamitin din sa regular na operasyon ng CSFWD.

Ikinuwento ni GM Gumba na napagdisisyunan ng CSFWD Management and Board of Directors na bilhin ang naturang truck dahil sa nadanasan nilang pagbaha noong 2011, kung saan ay nakapagbigay lamang and water district ng bottled water sa iilan lamang na mga nabahang barangay.

Si Tonette Orejas, Chairperson ng Board of Directors ng CSFWD, kasama ang iba pang mga directors, ay nagpasalamat sa Department of Budget Management (DBM) sa pagpapahintulot nila na bilhin ang naturang truck.