MASAYA po naming ibinabalita sa inyo na ang City of San Fernando Water District (CSFWD) ay nakahanap na ng kasama para maparami ang suplay ng tubig, mapanatiling malinis ito at maihatid ito sa mas maraming tahanan, paaralan, negosyo, pampubliko at pridadong opisina, institusyon at komunidad.

ANG KATUWANG ng CSFWD ay ang PrimeWater Infrastructure Corp., isang Filipino company na mahigit tatlumpung (30) taon na sa professional water operations. Ito ay may 250 deep wells sa iba’t ibang bahagi ng Pilipinas at nagsusuplay ng tubig sa maraming malalaking subdivisions. Ang bulk water projects nito ay sa Iloilo, Albay at Zamboanga. Mahigit labintatlong (13) water districts naman ang kapartner nito. Napili ang PrimeWater pagkatapos ng masusing ebalwasyon ng CSFWD Joint Venture Selection Committee ayon sa proseso at gabay ng National Economic and Development Authority (NEDA), Local Water Utilities Administration (LWUA) at Office of the Government Corporate Counsel (OGCC).

ANG PAGTUTULUNGAN ay tinatawag na contractual joint venture. Ibig sabihin, mananatiling government-owned and controlled corporation (GOCC) ang CSFWD. Ang board of directors pa rin ang magtatakda ng mga patakaran. Ang CSFWD ay gagana bilang contract monitoring unit. Ang responsibilidad ng PrimeWater ay kaugnay ng water generation, expansion at rehabilitation ng pumping stations, maintenance ng buildings at ibang pasilidad, billing and collection, maintenance ng waterlines and pag-aayos ng mga tagas.

GAGASTOS ang PrimeWater ng P2.9 billion para isakatuparan ang 25-year plan ng CSFWD. Sa halagang iyan, hindi pa kasama ang gastos sa kuryente, sahod at benepisyo ng mga empleyado. Ang gagastusin sa unang limang taon ay P744 million.

SA PAGSASAMANG-LAKAS ng CSFWD at PrimeWater, ang mga BENEPISYO ng mga taga-San Fernando ay:
* Tataas ang suplay ng tubig sa 2.19 million cubic meters per month mula 1.3 million cubic meters per month;
* Lalawak ang bilang ng concessionaires sa 94,285 mula sa 43,918;
* Walang water rates increase sa 2017. Value-added tax ang kokolektahin sa 2018. Sa mga susunod na taon, wala mang five percent ang itatataas sa singil kung papayag ang LWUA. P185 ang minimum rate ng CSFWD simula Disyembre ng 2012, na isa sa pinakamurang tubig sa Pampanga. Walang pagtaas sa singil kahit pa gumastos ng CSFWD ng P65.2 million nitong 2016 para bumuti ang kalidad at suplay ng tubig;
*Ang nasasayang na tubig ay bababa sa 15 percent.

PANALO TALAGA ang mamamayan ng San Fernando sa pagsasanib-puwersa ng CSFWD at Primewater.

CSFWD Management
PrimeWater Technical Team

Sa mga may inquiries, clarifications, complaints o request for services, tumawag ho sa (045) 961 3546.